• Yamot. Pighati. Gumuho ang aking mundo nang malamang ika'y lumisan na. Kuya, bakit? Pangako mong mananatili ka'y biglang napako. Kalungkutan sa mata ng ating ina, mga kahinaang itinago ni ama, at mga pagsisising naisip ng ating kapatid na babae'y bumungad saaking pagmulat. Hindi ko inakalang ika'y papanaw na, ngunit hindi natin mapipigilan ang paghuhusaga. Baka nga ika'y kailangan Niya upang kami'y iyong magabayan na. Mahal kong kuya bagamat ako'y isang musmos palamang nais kong ipahiwatig sa iyo ang aking pighati, pighating nabuhay nang ika'y namatay. Tila parang pagsubok na ang paggising sa umaga pati ang paggkain ng tatlong beses kada araw. Mula umaga hanggang gabi sakit ang nadama, bakit kung kailan malapit na ang iyong kaarawan saka ika'y nagpaalam? Kaya pala naisipang sumama nung umaga, iyon na pala ang huli nating pagkikita. Kuya mahal kita, hindi ko man naipakita sana ito'y iyong nadama. Nais kong matutunan kung paano magmahal tulad ng pagmamahal mo sa iyong bisikleta, turuan mo akong maging mabuting tao tulad ng ginawa mo noong ika'y nabubuhay pa. Hilig mo ay ang magbisikleta, padyak dito padyak doon kahit mahirap, matarik, at malayo ay hindi ka sumusuko kahit marami sa kasamahan mo ay sumuko na; hindi ka papaawat hindi patitibag, patuloy ka lang sa pag-ahon at kung may nangailangan man ng tulong ika’y laging handa mapatubig, pagkain o pagtulak ng kanilang bisikleta. Masaya ako’t nagawa mo ang gusto mo at namuhay ka sa buhay na gusto mo ngunit bakit ang aga, alam ko naman walang pinipili ang tadhana ngunit bakit? Bakit ang hirap hirap paring tanggapin ng katotohanang wala ka na. Kuya salamat sa dalawampu’t limang taon. Salamat sa mga pangiinsultong nagbigay motibasyon saakin, sa mga aral na itinuro mo saakin sa mahirap na paraan, sa kabutihang loob na ipinakita mo, sa pagmamahal na ibinato mo saamin, at sa lahat ng pagkakataong ibinigay mo saamin para makasama ka. Hindi mo gustong may umiiyak ng dahil sa’yo dahil “ang panget ng mga taong umiiyak” iyan ang sinabi mo noong nahuli mo akong naglalabas ng kadramahan sa harap ng salamin. Pagkatapos ng tila walang humpay na paghihinagpis, kami’y magiging masaya muli tulad ng dating abot tainga ang mga ngiti, kumikinang ang mga mata sa sobrang tuwa at mamumuhay kami ng puno ng pagmamahal. Kahit wala ka na sa piling nami’y hindi kailanman malilimutan ang iyong iniwang alaala at mananatili ka sa aming mga pusong nawarak ng bahagya.